Proseso Hindi Abuso!
Huwag Nang Dagdagan ang 1000 Biktima ng Pagpatay
iDefend, composed of Human Rights Defenders, has come out with a public statement and organised the candle lighting as a form of protest to #StopTheKillings on 15th August 2016, Monday at Tomas Morato cor. Timog Cirlce and Welcome Rotonda in Quezon City.
1000 na ang naging biktima ng pamamaslang dulot ng marahas at di katanggap-tanggap na pamamaraan ng pagtugon sa krisis sa droga sa loob ng 95 na araw mula ika-10 ng Mayo hanggang ika-12 ng Agosto, 2016 (ABS-CBN data). Sa araw ng ito, ipinagluluksa ng iDEFEND ang patuloy na pagyurak sa Karaapatang Mabuhay.
Ayon kay PNP Director General Dela Rosa ay “bumaba ng 49% ang crime rate sa Pilipinas dahil sa kampaniya laban sa droga.” Nakabilang kaya sa tala ng PNP ang malaking bilang ng mga krimeng pagpatay ng mga vigilante, hindi kilalang tao, o mismong ang mga alagad ng batas?
Ang pamamaslang ng mga drug dependents at mga nasa pinaka-ibaba ng industriya ng droga ay isang artipisyal na pagtugon sa isang suliranin na may mas malalim na ugat. Hangga’t walang lunas sa kahirapan, kahit maubos ang lahat ng lulong sa droga, may malaki pa ring bulto ng lipunan na bulnerable at madaling matulak sa buhay-krimen at pag-abuso ng droga. Kung ngayon pa lang, wala nang halaga ang buhay ng kapus-palad, paano pa kaya ang pagbigay ng pangunahing serbisyo sa kanila upag maigpawan ang kahirapan?
Malinaw na ang kawalan ng tugon sa kahirapan ang siyang lumikha ng malalaking suliranin panlipunan kasama na ang laganap na krimen at pagkalulong sa droga. May direktang kaugnayan ang pagbaba ng krimen at pang-abuso sa droga sa pagtaas ng antas ng pamumuhay. 30 taon makalipas ang EDSA ay patuloy at pauli-ulit na pinabayaan ng mga nakaraang administrasyon ang higit na nakararaming Pilipino na lugmok uwesto sa kahirapan. Silang pinakabulnerable sa pagkalulong sa droga ay nagsilbing merkado at mga pangunahing biktima ng mga drug lord at protector na may kaya at nasa puwesto ng pamahalaan.
Mahalaga ang pagtugon sa kahirapan bilang pangunahing dahilan ng mga suliraning ito, sa pamamagitan ng pagtitiyak ng mga pangunahing serbisyong panlipunan at oportunidad.
*Inihahain din ng iDEFEND sa administrasyong Duterte ang isang 10-point program para sa makatao at epektibong pamamaraan bilang pamalit sa kasalukuyang pamamaraan* *ng pagtugon sa malawakang industriya at pagkalulong sa droga*.
1. Itigil ngayon din ang mga pagpatay sa mga suspected criminals and drug-related offenders.
2. Mahigpit na ipagbawal sa mga LGU executives ang law enforcement units ang paggamit ng torture at hindi makataong pamamaraan sa pagsugpo sa krimen at droga.
3. Pataasin ang antas ng kamalayan sa karapatang pantao at respeto sa pagsunod sa proseso ng mga batas sa PNP, PDEA, NBI at iba pang law enforcement agencies at alisin at panagutin ang mga may kinalaman sa korapsyon at organisadong mga krimen.
4. Irebyu at magsagawa ng mga karampatang reporma sa sistema ng hustisya at alisin at panagutin ang korapsyon sa hanay ng maga prosecutor, mga korte, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Correction upang mabili at episyente ang sistema ng hustisya.
5. Magtayo ng mga accessible at mabili na mga mekanismo sa pagresponde sa mga reklamo ukol sa korapsyon, krimen, paglabag sa proseso ng batas kasama na ang extra judicial killings, at iba pang mga matinding pag-abuso sa karapatang pantao.
6. Irebyu at baguhin ang batas at polisiya tungkol sa problema sa droga kasama na ang pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165). Tiyakin na ang programang rehabilitasyon ay epektibo at libre, lalo na para sa mga mahirap na drug dependents.
7. Mamuhunan s apagtitiyak ng buhay na may dignidad para sa lahat.
8. Wakasan ang sistemang nagiging daan sa korapsyon at kahirapan.
9. Itigil ang lahat ng aksyon patungo sa pagpataw ng Death Penalty at pagbaba ng edad ng criminal responsibility ng mga kabataan.
10. Imbestigahan at panagutin ang mga awtoridad na responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao sa implementasyon ng kampanya laban sa droga at kriminalidad. Nararapat na bigyan ng tamang hustisya ang mga naging biktma at pamilya ng mga pinatay, tinorture, at mga naging biktima ng sexual harassment.
Iginiit ni PDG Bato sa kaniyang ika-12 ng Agosto na talumpati sa Cagayan de Oro na “Hindi ititigil ang kampanya ng pagpatay laban sa droga hanggaa’t ito ay naayon sa pagsunod at pagrespeto sa batas at karapatang pantao.” Ito ay malaking kontradiksyon. Mahalaga ang paglantad na isa itong panlilinlang at na walang ginagawa ang pamahalaang Duterte upang pigilan ang pagsawalang bahala sa due process o agarang pagpatay ng mga akusado pa lamang.
Malinaw na patuloy at talamak pa rin ang paglabag sa batas ng kapulisan. Dahil wala ding mga salitang pagbabanta laban sa mga vigilante si Pres. Duterte, nangangahulugang sinasangayunan niya rin ang ganitong uri ng paglabag sa batas. Ang paggalang sa karapatang pantao lalung-lalo na sa karapatan sa buhay. Hindi magtatapos sa 1000 ang bilang ng mga biktima at asahan pa lalo ang pagdami nito!
Mariin na pinapaalala ng iDEFEND na pangunahing obligasyon ng pamahalaan ay hindi gawing manhid ang awtoridad, kapulisan at mamamayan sa karapatang mabuhay bagkus ipatamo sa kaisipan at kilos ang pagrespeto at pagtanggol sa lahat ng iba pang karapatan. Ang pamamaslang o pagkait sa karapatan sa buhay ay hindi maaaring gawing dahilan para sa ikaaabot ng anumang hangari. Ang kaniyang pagkasagrado at proteksiyon ay siyang pangunahing dahilan ng ating pagbibigay-tiwala sa gobyerno. Kapag mismong ang goberyerno na ang lumapastangan sa karapatang ito, sino pa ang magtatanggol sa mamamayan?
Mariin na ipinanawagan ng iDEFEND na itigil ang pamamaslang at palitan ang marahas na pamamaraan kontra-drog!
###
0 Comments