Pagmamapa sa Tuwa, Lugod, at Komunidad: Mga Naratibo ng Peminismo sa Internet ng Malaysia at Pilipinas

Kasabay ng pagbukas ni Honey** ng kanyang laptop ang pag-bukang liwayway sa Sarawak, ang pinakamalaki sa mga lokalidad sa Malaysia. Para sa isang neurodivergent, at queer na kabataan, ang pag-log in ni Honey sa mundo ng internet ay pagpasok sa mundong mas nakakaunawa sa kanya.
Sa Pilipinas, sa pagtawid ng karagatan, sinimulan ni Mary** ang araw gamit ang smartphone niyang mayroong software na nagbabasa para sa kanya, at nagdadala sa kanya sa mundong di niya karaniwang naaarok. Isa siyang bulag na babaeng cisgender queer.
Para kay Honey at Mary, hindi lamang instrumento ang internet upang mapadali ang gawain sa araw-araw. Nagsasalba ito ng buhay, kanbas sa pagpapahayag ng sarili, at espasyo para sa komunidad at pakikipag-ugnayan.
Bahagi ang mga kwento nila ng “Pagmamapa sa Tuwa, Lugod, at Komunidad: Mga Naratibo ng Peminismo sa Internet ng Malaysia at Pilipinas”, isang proyekto na layuning pag-aralan ang pagkakaugnay-ugnay ng kapansanan, kasarian, at sekswalidad. Ginagalugad nito kung paanong nabibigyang-daan ng digital na midyum at inobasyon ang mga persons with disabilities (PWDs), o mga taong may kapansanan, na hamunin ang stigma, igiit ang pagdedesisyon para sa sarili, at maging maligaya. Ang sentro ng pagsasaliksik na ito ay ang pagkilala sa pleasure—sekswal at iba pa—bilang isa sa mga pangunahing karapatang pantao ng mga PWD. Kadalasan itong pinagkakait sa kanila ng nakapangyayaring lipunan na nag-ugat sa patriyarka at albeism.
Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga kwento mula sa Malaysia at Pilipinas, binibigyang-linaw ng proyekto kung paano nakatutulong sa mga PWD ang mga digital na espasyo sa pagbawi ng kanilang mga salaysay at sa pagtanaw sa hinaharap kung saan sagana ang kasiyahan at pagdedesisyon sa sarili.
Paninindigan ng mga PWD sa Awtonomiya at Sarili
Para sa maraming PWD, ang mga pagpapasya tungkol sa kanilang sariling mga katawan ay karaniwang puno ng mga pagpapalagay ng lipunan at mga sistematikong hadlang. Ngunit habang patuloy na lumalago ang mga digital na midyum, kasabay nito ang mga oportunidad para sa mga PWD na galugarin at igiit ang awtonomiya sa sariling katawan.
Kinailangan ni Honey na harapin, sa kanyang paglaki, ang kahirapan sa pagfi-”fit in”, o maging bahagi ng normalisadong lipunan, habang inuunawa ang katotohanang mayroon siyang autism.
“Hindi ako pinapayagang magkaroon ng sariling kahulugan ng kagandahan,” aniya. “Hindi ako pinapayagang magkaroon ng sariling depinisyon kung ano ang tingin kong maganda, at masakit itong labis para sa akin dahil tila kahit anong gawin ko, hindi ako matatanggap.”
Nagbigay-daan sa kanya ang internet na umugnay sa mga komunidad na nagpapahalaga sa kanyang awtonomiya at sa pagka-malikhain bilang isang queer at neurodivergent. Nagbalik-tanaw siya kung paanong nahanap niya online ang pakiramdam ng pagiging bahagi ng mga taong nagko-cosplay.
Bagaman nawalan siya ng ugnayan sa marami sa kanila, dinala niya ang mga aral na natutunan mula sa mga taon na ‘yon.
“Natutunan ko kung ano ang aking mga hangganan [at] nakakatulong ito sa akin na maglayag sa lipunang ito. Tulad ng kung ano ang mga bagay na sakin ay di negotiable, o di ko nais ikonsidera at mapahintulutan[; at gayundin], kung ano ang mga bagay na tunay kong hinahanap sa pakikipagkaibigan at pakikipag-ugnayan sa mga tao,” sabi niya.
Naranasan ni Honey online ang antas ng pag-unawa na hindi niya akalaing posible. Hindi kinikilala ang autism sa mga babae–bata man o matanda. Kung walang pormal na diagnosis, madalas na pinagsasawalang-bahala ang kanyang kapansanan sa Malaysia, maging sa kanyang malapit na pamilya at sa komunidad na tinitirhan. Sa Malaysia, kalimitang tinitingnan ang kapansanang autism sa isang medikal at negatibong lente. Ngunit sa unang pagkakataon, hindi niya kinailangang ipaliwanag ang lawak ng kanyang kapansanan para lamang makuha niya ang suportang kailangan. Nang marinig niya ang mga kuwento ng mga taong katulad niya online, napagtanto niya na hindi siya nag-iisa.
“[‘]Kung mayroon kang mga isyu, e’di mayroon kang mga isyu, hindi mahalaga kung gaano kalaki o maliit, lahat kami ay narito para sa iyo[’ —] tunay na nakapagbibigay sakin ng ginhawa at pagtanggap,” sabi niya. “Ito ay tungkol sa paghahanap ng iyong komunidad, higit pang pag-aaral tungkol sa sarili, pag-aaral tungkol sa impormasyon tulad ng pag-ibig, koneksyon, at kung paano makipagkaibigan, sa lahat, na malamang ay hindi mo makukuha sa totoong buhay.”
Ang mga koneksyon na ito ay naging pundasyon para sa kanyang paggalugad sa kasarian at sekswal na pagpapahayag–-mga erya na noong una’y pakiramdam nyang di aksesible para sa mga taong katulad niya. Naging espasyo ang TikTok, at ang masiglang komunidad nito ng mga neurodivergent creators, kung saan maaaring tuklasin ni Honey ang kanyang identidad nang may luwag. Nagpapahintulot din sa kanya ang espasyong online na iwaski ang lumang paniwala na ang kaluguran at pakikipagtalik ay nakalaan lamang sa mga lalaki.
“Ang kagalakan para sa akin ay napaka-emosyonal,” sabi niya. “Ang pleasure ay maaaring maging intimate, o malapit at pamilyar na emosyon.”
Si Mary, isang 37 taong gulang na babaeng cisgender queer na mula sa Pilipinas, ay nakahanap din ng kalayaan sa pamamagitan ng mga digital na midyum. Nagbigay ito sa kanya ng mas malakas na pakiramdam ng kontrol sa mga interaksyon niya sa ibang tao, na naging problema sa mga espasyong pisikal kung saan madalas niyang nararamdaman na hindi siya kabilang. Ang isang screen-reading software, halimbawa, ay nagbigay-daan sa kanya na mas makipag-ugnayan sa mga kaibigan at social media.
Binigyang-diin ni Mary na ang maganda sa mga espasyong digital ay kung paano siya nito binigyan ng kalayaang magpasya kung kailan at paano makikipag-ugnayan. Mahalaga ito sa mga taong tulad niya na tinitingnan ang kasiyahan bilang isang bagay na masalimuot na nakaugnay sa mga koneksyon at naibahaging emosyon sa mga tao sa kanyang buhay.
“Mas sa emosyon nakaugnay ang saya[.] Nakakaranas ka ng saya dahil nakikipag-usap ka sa kaibigan mo, nakakaranas ka ng saya dahil maganda ang ugnayan mo sa iyong karelasyon, o mga karelasyon,” aniya.
Nagbukas din ang digital na teknolohiya ng mga pagkakataon para magalugad ni Mary ang kanyang sekswalidad nang ligtas at ayon sa kanyang mga termino. Kung hindi man ay mahirap sa “tunay na mundo” sa harap ng stigma laban sa mga PWD, kung saan madalas silang hinuhusgahan ng kanilang kapansanan mula sa unang kamusta. Madalas din silang ipinapalagay na asexual o walang anumang ahensyang sekswal dahil lamang sa kanilang mga kapansanan. Habang binubuksan ng mga digital na espasyo ang mga pagkakataong ito, nananatili ang hamon ng kawalan ng akses. Halimbawa, nahihirapan pa rin ang mga dating applications tulad ng Tinder at Bumble na tugunan ang mga isyu sa pagiging aksesible, habang ang mga user na naghahanap nang makaka-date o makaka-halubilo ay madalas na iniiwan ang mga PWD nang bitin.
Rebelasyon para kay Mary, noong pandemya, ang pagtuklas sa audio erotica, isang midyum na napagsasama ang pagkukwento at voice acting nang walang elementong biswal. Aniya, dahil dito, nagkakaroon ng patas na pagkakataon para sa lahat bilang nagbibigay ito ng paraan kung saan ang intimacy at sekswal na pleasure ay hindi batay sa paningin, kundi sa tunog at pagkukwento. Isinasaalang-alang na niya ngayon ang pagsasalaysay ng sarili niyang mga kwentong audio erotica na tutugon sa mga taong maaaring walang akses sa mga anyo ng pleasure. Nagmumula ito sa isang hangarin na tulungan ang ibang mga bulag na indibidwal na tuklasin ang kanilang mga kagustuhan at pagkakakilanlan.
Para kay Jayce*, isang cisgender queer na lalaking bingi at isang akademiko sa Malaysia, naging mahalaga ang mga digital na midyum para maglayag sa dagat ng kanyang pagkakakilanlan bilang queer. Naging santuwaryo niya ang internet; mahirap ang pamumuhay sa isang bansa kung saan nahaharap ang mga indibidwal na LGBTQ+ sa diskriminasyon at kriminalisasyon. Noong bago pa lang ang internet sa Malaysia, unang natuklasan ni Jayce ang kanyang identidad bilang queer. Nagbalik-tanaw sya sa panahong nakatisod siya ng pornong materyal online at isang newsletter na nagpapakilala ng iba’t ibang sekswalidad na lampas sa mga heterosexual na kaugalian.
Nagdulot ang mga sandaling ito ng pag-unawa niya sa sariling sekswal na oryentasyon; kahit pa pinalabo ng stigma ng lipunan, at kakulangan ng mga rekurso at impormasyon, ang kanyang pag-intindi. Nag-alok ang mga koneksyon online, kabilang ang mga usapan kasama sa mga kaibigan sa ibang bansa, sa kanya ng kritikal na impormasyon at isang ligtas na espasyo upang tuklasin ang kanyang identidad.
“Mahirap iyon sa akin, kung kaya tinulungan ako ng internet para makakalap pa ng impormasyon,” aniya. “Binigyan nila ako ng espasyo para makipag-usap sa mga kaibigan… at makapagbahagi ng impormasyon tungkol sa mga bakla, tungkol sa ating identidad, tungkol sa LGBTQ+.”
Nakatulong ang mga online na koneksyon ni Jayce sa pagyakap niya sa sariling sekswalidad at bumuo ng kumpiyansa sa sarili sa paggigiit ng awtonomiya. Ngayon, nakapagtatag na siya ng iba’t ibang organisasyon na naglalayong tugunan ang kakulangan ng ligtas at mga espasyo para sa mga bingi–kung saan mararamdaman nilang sila’y tunay na bahagi.
Nakatuon din ang kanyang adbokasiya sa mga interseksyon ng pleasure, identidad, at pagiging aksesible. Dahil sa kanyang pagpupursige, hinahamon niya ang nosyon na hindi nabibilang ang mga bingi sa usapin tungkol sa sekswal na pagpapahayag at intimacy. Isang anyo ng aktibismo ang paglikha ng mga puwang kung saan maaaring tuklasin ng mga bingi ang mga aspeto ng kanilang buhay. Nagtutulak ito laban sa mga heteronormatibong hadlang.
“Sa social media, marahil ang pleasure ko ay ang malaman ang buhay ng mga tao, kung paano sila nagbabago, iyong mga bagay na nakakapagbago ng pagtanaw sa buhay,” sabi niya.
Itinuturing ng isang 39-anyos na bingi na transwoman mula sa Pilipinas, lider sa sarili niyang “LGBTQ+ Deaf Advocacy Organization”, ang kanyang presensya sa mga digital na midyum bilang isang paraan upang muling tukuyin ang mga salaysay ang bumubuo sa pleasure, kagalakan, at identidad. Binuksan nito ang mundo para sa kanya pagdating sa pagkonsumo ng paskil sa internet na walang caption o deskripsyon. Nagbigay-daan din ito sa kanya, at sa iba pang mga bingi, na maging mas lantad, lalo na ang mga mula sa nakababatang henerasyon.
Gayunman, inamin nya na may pagkakaiba pa rin sa kagalakan at pleasure na nakukuha niya mula sa online at pisikal na pakikipag-ugnayan. Paliwanag nya, nagbibigay ang mga personal na pag-uusap ng mas magandang karanasan dahil ang mga katulad niyang bingi ay kadalasang kailangang umasa sa body language o kilos para sa mas mahusay na komunikasyon.
“Madalas, kapag ikaw ay nasa isang online na espasyo, tila tinatanggap mo lang yung pagkagalak pero di mo rin talaga ito maipahayag,” aniya. “Iba talaga ang personal at harapang pag-uusap.”
Gayunman, kinikilala niya ang magandang epekto ng mga digital na espasyo lalo na para sa pagsusulong ng mga adbokasiya na may kaugnayan sa mga karapatan ng LGBTQ+. Isang mahalagang kasangkapan ang internet sa mga kampanya, pati na rin bilang isang ligtas na espasyo para sa mga miyembro ng kanyang komunidad, kahit na kung minsan ay pinapatampok din nito ang kanilang mga pagkakaiba.
Pag-unawa sa pleasure na higit pa sa pakikipagtalik
Ang sekswal na pleasure, bagaman mahalaga sa pag-iral ng tao, ay madalas naisasantabi, iniilagang pag-usapan o itinuturing na taboo sa mga talakayan tungkol sa kapansanan. Itinatampok ng proyekto kung paano ginagalugad at binibigyang-kahulugan ng mga PWD ang mga nasabing naratibo sa pamamagitan ng espasyong digital bilang kasangkapan para sa adbokasiya at pagpapalakas. Sa katunayan, maaaring maikawing ang pleasure sa koneksyon, awtonomiya, at pagkagalak ng isang indibidwal sa sariling identidad.
Maganda itong inilarawan ni Hemz, isang 41-anyos na babaeng Malaysian na may Wilson’s disease. Naging hadlang sa pagtatapos nya sa pag-aaral ang isang nakamamatay na sitwasyon noong 2002. Simula noon, naapektuhan na ng bihirang namamanang sakit na ito ang kanyang pisikal na kondisyon–kailangan nyang gumamit ng wheelchair. Sa kanyang paglaki, humarap siya sa maraming hamon bilang naninirahan siya sa isang bansang hindi mapagkalinga sa mga PWD.
“Tinitingnan ako ng mga tao sa tuwing lalabas ako ng bahay. Naiilang ako kung kaya ayoko rin talagang lumabas at makakilala ng mga tao,” sabi niya. “Kuntento na ako sa pagiging wallflower sa ano mang kaganapan.”
Naging paraan ang social media page nyang peminista, na sinimulan niya bilang isang blog noong 2012, sa paghamon as misogyny at pagpapalakas sa boses na pinatahimik ng mga pamantayan ng lipunan. Nag-ugat ito sa kanyang galit sa paulit-ulit na slut-shaming sa kababaihang Malaysian-Indian batay sa pananamit at sa pangkalahatang pagdedesisyon sa buhay.
Para kay Hemz, ang pleasure at kalayaang sekswal ay kaakibat ng pagbibigay-kapangyarihan at paglaban, partikular sa mga istrukturang patriyarkal na may layuning kontrolin ang mga katawan ng kababaihan. “Ako ang nagpapasya kung magbubukas ba ako ng mga pinto o maglalagay ng mga hadlang online,” aniya, at inaamin na mas nagsasalita siya online kaysa offline.
Gayunman, nakatanggap ng backlash si Hemz, lalo na mula sa mga lalaki. Madalas siyang makatanggap online ng mga mensaheng hindi hinihingi at maituturing na pangha-harass. Ngunit di siya nagpatinag dito at gamit ang kapangyarihan ng internet, nakipaglaban siya sa mga salarin.
“Ako ang may ganap na kontrol dito at nakakakuha ako ng kagalakan at pleasure sa pag-dox sa mga lalaki na di tumatanggap ng pagtanggi mula sa mga babae,” sabi niya.
Sa ngayon, nakikita ni Hemz ang mga digital na espasyo bilang pangunahing kasangkapan para sa trabaho at sa pagpapadali ng buhay. Doon niya inaayos ang mga bayarin, binibili ang mga pangangailangan, at kinakausap ang mga taong mahal niya.
“Ang trabaho at pagtatrabaho ay kasiyahan at pleasure para sa akin. Nakakakuha ako ng kasiyahan kapag inilulubog ko ang aking sarili sa mga gawain. Nakukuha ko ang kagalakan mula sa mga resulta,” sabi niya.
Matatagpuan ang pleasure sa pagsusulat at adbokasiya ni Hemz. Nagsilbi ang kanyang peministang page bilang personal na lunsaran at pampublikong plataporma para sa mga mapaghamong pamantayan ng lipunan; kabilang na ang pamamaraan na ang Malaysian-Indian na komunidad ay “impiyerno sa mga babaeng sumusunod… kultura at relihiyon… naniniwala na ang mahigpit na pagsunod ay susi sa kasiyahan at pleasure.” Sa pamamagitan ng pagtugon sa mga paksa tulad ng slut-shaming at victim-blaming o pagpupukol ng sisi sa biktima, hindi lang ibinabalik ni Hemz ang kanyang boses ngunit lumilikha din ito ng ripple effect, na nagbibigay-kapangyarihan sa iba na gawin din iyon.
“Nagbigay-daan sa akin ang kondisyon ko, na hubugin ang hindi kumbensyunal na mga pananaw. Hindi ako sigurado kung paano ako ‘tinuruan’ upang madama ang kasiyahan at pleasure ngunit ngayon naiintindihan ko na ang mga ito ay ginagawa mo, hindi kung ano ang pinaniniwalaan mo,” sabi niya.
Si Julia**, isang 33-taong gulang na single mother sa Pilipinas, ay sumasalamin sa damdaming ito sa kanyang sariling paraan. Matapos ma-diagnose na mayroong brain arteriovenous malformation na nakaapekto sa kanyang kilos at balanse, bumaling siya sa mga digital freelancing platform para pangangailangang pananalapi. Aniya, hindi ito madaling paglalakbay–maraming taon ang lumipas bago niya tanggapin ang kanyang kalagayan. Nakaramdam siya ng kalungkutan at pag-iisa, ngunit nagbago ang lahat nang mapagtanto niya ang mga oportunidad na maaari niyang tuklasin.
”Sa totoo lang, di ko naman kailangang maglakad… dahil sa teknolohiya… nakakakamit ako ng dakilang mga bagay ngayon,” sabi niya.
Isa si Julia sa mga nag-online work bago pa man ito naging karaniwan noong lockdown sanhi ng pandemya ng Corona virus noong 2020. Nang lumipat ang lahat sa online, dalubhasa na siya nito. Ang kanyang mga proyekto sa lipunang sibil, at trabaho bilang isang manunulat, ay pinagmamalaki niya at napagkukunan ng pleasure, bilang nagpapaalala ito ng kanyang kapasidad sa kabila ng stigma ng lipunan na nakapalibot sa kanyang kapansanan.
“Hindi mo mararanasan ang pleasure kung hindi mo pa nararanasan ang kasiyahan,” aniya.
Naging daan ang mga digital platforms para maranasan ni Julia ang mga uri ng pleasure na inakala ng mga tao na hindi maaaring tuklasin ng mga PWD. Nagbalik-tanaw siya noong unang beses nyang nakita ang potensyal nito bilang isang batang mag-aaral, gamit ang online messaging platform na Yahoo Messenger.
Samantala, pagdating sa online dating, malay si Julia kung paanong maingat dito ang mga taong bahagi ng kanyang komunidad dahil sa stigma. Gayunman, naiintindihan niya ang mga rason nila, bilang mayroon siyang sariling karanasan kung saan tinatrato ng mga lalaki ang mga PWD bilang kasangkapan ng kanilang fetish, sa halip na tunay na kagustuhan para sa pakikipagrelasyon.
Mayroong mga pagkakataon na nadadala ang kaniyang emosyon ng mga taong nakikilala niya online, ngunit napagtatanto rin pagkuwa na kailangan niyang maging alerto at maingat. Gayunman, hindi nito napatigil si Julia sa pagtanaw na mabuting naidudulot ng mga espasyong digital sa relasyon at koneksyon. Kailangan lang maging bukas at tanggapin ang sariling kaibahan, PWD man o hindi.
“Napagkukunan ko ng pleasure ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao,” sabi niya, habang binibigyang-diin ang ideya na ang pleasure ay higit pa sa pisikal na intimacy. Lumalampas ito sa pagpapahalaga sa sarili, mga tagumpay, at abilidad na magbigay sa mga minamahal at sarili.
Paglikha ng inklusibo at kinabukasang digital
Sa paglalahad ng mga salaysay na ito, lumilitaw ang isang pananaw para sa isang internet na peminista—isang digital na mundo kung saan ang pagiging aksesible ay isang pangunahing prinsipyo ng disenyo, hindi iyong naiisip lang sa dulo. Nilalarawan ng mga PWD, na nakapanayam para sa pag-aaral na ito, ang mga midyum na may nagbabasa, may nakahandang deskripsyon, at may malay na pagsisiyasat, na laan para sa kanila. Ang mga midyum at digital na espasyong ito ay dapat na igalang at iayon sa Web Content Accessibility Guidelines. Naiisip nila ang mga puwang kung saan hindi lamang kasama ang magkakaibang mga boses ngunit kung saan maaari silang makilahok nang makabuluhan kung ano sila.
Kabilang sa hinaharap na tinatanaw ni Jayce ang pagwasak sa mga hadlang dahil sa wika, upang magbigay-daan sa maayos na komunikasyon sa komunidad ng mga bingi at hindi. Nagbalik-tanaw siya sa mga pagkakataong labis itong nararanasan, sa mukha ng paghihintay sa mahabang mga linya sa mga opisyales ng gobyernong walang espesyal na prayoridad sa mga PWD–“matapos maghintay nang sobrang tagal, tinatawag nila ako nang makailang beses at nakakalimutan nilang ako ay bingi.”
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng internet sa pagtulong sa pagyanig sa mga sistemang nagsusulong ng kawalan ng akses. Para sa kanya, ang paglikha ng mga kasangkapan at midyum na tumutugon sa magkakaibang mga pangangailangan ay hindi lamang tungkol sa pagiging inklusibo kundi tungkol din sa katarungan. Ang kagalakan at pagiging aksesible ay lubos na konektado; at ang pagtugon sa isa ay nangangailangan ng pagtugon sa isa pa.
“Nabigay sa akin ang espasyong digital ng maraming positibong epekto sa aking mga ginagawa, gayundin sa aking buhay bilang isang bingi, na hindi makakuha ng impormasyon sa pamamagitan ng tunog. Hindi ako makarinig. May epekto ito sa kung ano ang aking iniisip bilang tao, at nagdudulot ito ng hamon sa pakiki-halubilo sa ibang bahagi ng lipunan. Kailangang mas gamitin ko ang aking mga mata para maintindihan at maobserbahang mabuti ang mga bagay,” aniya.
Samantala, nangangarap si Mary ng isang mundo kung saan ang mga espasyong digital, na para sa mga relasyong romantiko at hindi, ay nagseseguro ng makatarungang akses para sa mga PWD. Makakamit ito sa pamamagitan ng paglikha ng mga katangiang magpapahintulot sa kanilang makapaglayag nang may laya sa online na mundo. Halimbawa, iyong dating application na nagpapaunlad ng tunay na koneksyon sa pamamagitan ng tunog, hindi lamang biswal. Ang mga midyum na ito ay dapat na binuo na may pagsasaalang-alang sa neurodiverse na lipunan kung saan lahat tayo ay bahagi at kung paano tayo naghahanap ng mga koneksyon sa ibang paraan.
Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng komprehensibong pag-aaral sa seks na nagpapahalaga, hindi lamang sa pagbibigay ng permiso, kundi maging sa awtonomiya sa katawan ng mga PWD.
“Hindi itinuturo sa mga PWD ang kahalagahan ng konsepto ng permiso kung kaya napagsasamantalahan sila,” sabi niya. “Mainam kung gawing ligtas muna ang mga espasyong digital.”
Nagbibigay ng dagdag na perspektiba ang naratibo ni Julia ‘pagkat binubuksan nito ang usapin kung paanong ang mga sistema ng ekonomiya ay hindi ibinibilang ang mga PWD sa tradisyunal na pagtatrabaho, na nagpapatingkad ng kanilang pagiging marhinalisado. Kahit na pinagtitibay ng kanyang tagumpay ang kakayahan ng teknolohiya na hamunin ang mga nabanggit na hadlang, pinagtitibay nito ang pangangailangan para sa sistematikong pagbabago upang maseguro na mayroong oportunidad para sa lahat.
“Napakalaking hamon para sa aming mga taong may kapansanan na maghanap ng pisikal na trabaho… kung magkakaroon man ng pagbabago, sana magkaroon ng batas na nagsisigurong may oportunidad para sa lahat, kahit sa digital,” sabi niya.
Para sa transwoman mula sa Pilipinas, ang isang digital na hinaharap na may konsiderasyon sa mga kondisyon ng mga PWD ay iyong ang mga indibidwal ay maaaring maghangad ng pleasure at koneksyon nang di kinukwestyon. Ang kanyang pananaw ay naglalaman ng parehong mga personal na adhikain at isang mas malawak na pag-asa para sa pagiging inklusibo at pagtanggap na maaaring humantong sa isang kapaligiran kung saan ang kagalakan at pleasure ay maaaring malayang tuklasin sa espasyong kapwa pisikal o online.
Gayunman, binigyang-diin niya ang isang pangunahing hamon tungkol sa pagiging aksesible online. Kahit pa nag-aalok ang mga espasyong digital ng pakiramdam ng pagtakas at pagbibigay-kapangyarihan, kadalasang nakakaabala ang mga hadlang sa pananalapi sa kanyang kakayahang ganap na makisali. Ang limitadong pag-akses sa internet bilang direktang resulta ng mga hadlang na ito sa pananalapi ay maaaring makahadlang sa marami sa paglahok sa digital na mundo, na binibigyang-diin ang patuloy na pakikibaka para sa tunay na pagiging aksesible para sa mga taong may mga kapansanan.
Itinatampok ng mga kuwento ni Honey, Mary, Jayce, at iba pa sa Pagmamapa sa Tuwa, Lugod, at Komunidad: Mga Naratibo ng Peminismo sa Internet ng Malaysia at Pilipinas ang kapangyarihang mapagpabago ng mga digital na espasyo para sa mga taong may kapansanan sa Malaysia at Pilipinas. Para sa kanila, ang internet ay higit pa sa isang kasangkapan—ito ay isang puwang para sa pagtuklas sa sarili, koneksyon, at pagbibigay-kapangyarihan sa mga lipunan na kadalasang ginagawa silang marhinalisado. Sa pamamagitan ng mga online platform, nagawa nilang mabawi ang ahensya sa kanilang mga pagkakakilanlan, hamunin ang stigma ng lipunan, at tuklasin ang mga aspeto ng kasiyahan at kagalakan na kadalasang ipinagkakait sa mga PWD.
Ang kanilang mga karanasan ay naglalarawan kung paanong ang pagiging aksesibleng digital at pagiging inklusibo ay maaaring magsulong ng awtonomiya, maging sa paggagalugad sa sekswalidad, pagbuo ng mga relasyon, o pagseguro ng kalayaan sa ekonomiya. Gayunman, nananatili ang mga hamon ng kawalan ng akses, stigma, at pagsasamantala, na nagbibigay-diin sa pangangailangan para sa higit na inklusibo at patas na mga digital na espasyo.
Binibigyang-diin ng proyekto ang pangangailangan ng pagsasama ng pagiging aksesible sa digital na disenyo, na nagsusulong para sa isang peministang internet kung saan ang magkakaibang mga boses ay hindi lamang kasama ngunit makabuluhang nakikibahagi. Sa huli, tumatanaw ang kanilang mga salaysay ng kinabukasan kung saan ang mga digital na midyum ay tunay na nagpapalakas, nagpapatibay ng ahensya, katarungan, at kagalakan para sa lahat. ###
0 Comments